DepEd Secretary Sara Duterte Opisyal na Pahayag
Setyembre 8, 2022 – Ang Kagawaran ng Edukasyon, sa ilalim ng pamumuno ni Pangalawang Pangulo at Kalihim ng Edukasyon Sara Z. Duterte, ay may zero-tolerance policy para sa lahat ng uri ng pang-aabuso na ginagawa sa ating mga eskuwelahan, lalo na laban sa ating mga mag-aaral.
Sineseryo ng DepEd ang lahat ng mga ulat tungkol sa seksuwal na pang-aabuso at karahasan laban sa ating mga mag-aaral sa mga eskuwelahan sapagkat determinado tayo sa pagtitiyak na ang mga eskuwelahan sa buong bansa ay ligtas na espasyo para sa ating mga estudyante at malaya mula sa mga sexual predator.
Nauunawaan natin na ang pag-uulat ng mga karanasan ng seksuwal na pang-aabuso at karahasan ay kadalasang nahahadlangan ng takot at kahihiyan, ngunit hinihikayat natin ang mga biktima mula Kindergarten hanggang Grade 12 na direktang iulat ang nasabing mga insidente sa Office of the Secretary.
Mangyaring mag-email ng mga reklamo sa depedabusereport@gmail.com o tumawag sa 8633-1942, 8635-9817, o 0995-921-8461 (kahit tapos na ang oras ng trabaho).
Ituturing na lubos na kumpidensiyal ang inyong personal na impormasyon at ang uri ng inyong mga ulat.
Tulungan ninyo kaming tulungan kayo para mapanagot ang mga nananamantala at wakasan ang seksuwal na pang-aabuso at karahasan sa ating mga paaralan.
Maraming salamat.Atty. Michael Poa
Tagapagsalita ng DepEd
0 Comments